Totoy nilamon ng gilingan ng basura
MANILA, Philippines - Lasug-lasog ang mga buto, nahumpak ang tiyan at sumuka ng dugo ang isang 14-anyos na basurero nang lamunin siya ng waste compactor machine o nagpipipi ng basura nang aksidenteng mapindot niya ang buton na nagpapaikot dito, habang naglalaro sa taas ng dump truck, sa loob ng Pileco Compound, Pier 18, North Harbor, Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Robin Bayaborda, out-of-school youth at naninirahan sa dumpsite area ng Pier 18, North Harbor, Road 10 Tondo.
Sumuko naman ang drayber ng Leonel Waste Management, na si Florencio Monsanto, 58, may-asawa at residente ng Block 75, Lot 7, Purok Kawal Dagat-Dagatan, Caloocan City.
Sa ulat ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas- 7:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng nasabing compound.
Nabatid na ang biktima ay isa sa scavengers na kakilala umano ng driver kaya pinayagan itong mag-hitch sa truck upang makakuha ng mapapakinabangang basura.
Nang mapuno na umano ang sako ng biktima ay naisipan pa muli nitong umakyat sa truck at pinakialaman ang pindutan sa likod ng truck na nagpagana sa compact machine hanggang sa mapasama ito sa mga basura mula conveyor patungo sa mismong pitpitan.
Nakita ng testigong si John Christian Coronel, 11, ang nangyari sa biktima kasabay nang pagsasabing bumulwak umano ang dugo mula sa bibig ng biktima matapos siyang mapasok sa makina.
Nabatid na ang driver umano ay walang kontrol sa pindutan dahil nasa bahaging likuran ang button kaya hindi niya namalayan.
Nakahanda namang sagutin ng Leonel Waste Management umano ang gastusin habang kasong reckless imprudence resulting in homicide ang naisampa laban sa suspek na driver ng truck.
- Latest
- Trending