MANILA, Philippines - Nagrali sa harapan ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang malaking bilang ng mga transport leaders mula sa iba’t ibang organizations upang igiit at ipakita ang kanilang suporta sa Radio Frequency Identification project (RFID).
Pinangunahan ng United Transport Koalisyon (1-UTAK) party-list, ang pinakamalaking transport coalition sa bansa, nina Obet Martin ng Pasang Masda, Efren de Luna ng ACTO, Zeny Maranan ng Fejodap ang naturang rally.
Hinikayat ng mga transport leaders ang pamunuan ng LTO na dikitan sila ng RFID stickers sa kanilang bitbit na mga payong bilang simbolo ng kanilang buong pusong pagsuporta sa RFID project ng LTO.
Naniniwala ang 1 UTAK na tanging ang RFID ang nag-iisa at nakikita nilang solusyon upang masugpo ang kolorum at out of line activities ng mga tiwaling transport operators.
Ayon kay 1 UTAK representative Vigor Mendoza, hindi niya maintindihan kung bakit patuloy na tinututulan ng grupong PISTON ang pagpapatupad ng RFID gayung malaki ang magiging benepisyo nito sa lahat ng kanyang miyembro. (Butch Quejada)