Balasahan sa MPD pinatigil ng korte
MANILA, Philippines - Nakapuntos si Manila Mayor Alfredo Lim laban kay NCRPO Director Roberto Rosales at MPD chief Rodolfo Magtibay nang katigan kahapon ng korte ang kahilingan ng una na magpalabas ng temporary restraining order laban sa implementasyon ng umano’y illegal na reshuffle.
Kahapon ay nag-isyu ng TRO si Manila Regional Trial Court Branch 8, Judge Felixberto Olalia, Jr. matapos ang dalawang magkasunod na araw na pagdinig na nag-aatas kina Rosales at Magtibay na status quo sa posisyon ng mga opisyal at tauhan ng MPD hangga’t hindi nagpapalabas ng kautusan ang korte.
Una nang naghain ng petition for certiorari, prohibition, injunction with prayer for preliminary injunction and temporary restraining order si Lim noong Lunes sa hiling na pigilan ang NCRPO at MPD chiefs na ipatupad ang umanoy iligal na balasahan.
Ayon sa petisyon, nilabag sa nasabing kautusan ang Republic Act 6975 na inamyendahan ng RA 8551, dahil sa pagsasantabi ng mga respondents sa kapangyarihan ng alkalde, bilang deputized representative ng National Police Commission (Napolcom), nang mag-isyu ng General Orders nos. 8 to 13 at Special orders no. 11 at 12 ang mga respondents nang walang konsultasyon.
Isang pag-abuso umano sa kapangyarihan ang ‘illegal orders’ ni Rosales na alinsunod sa Section 62 ng RA 8551, nasa kapangyarihan ng mayor ang mag-deploy at employ ng miyembro ng PNP sa kanyang hurisdiksiyon.
- Latest
- Trending