Malaysian national tinodas
MANILA, Philippines - Isang Malaysian national na pansamantalang nanunuluyan sa Muntinlupa City ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng isang lalaki na nagpakilalang “political leader” umano ni Mayor Aldrin San Pedro.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Medical Center Muntinlupa ang biktimang si Christian James, 27, ng Phase 2 Blk. 2 Lot 3 NHA Housing, Poblacion sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tumakas naman ang suspect na nakilala lamang sa alyas na “Danny Demonyo” na nagpapakilalang malapit umano sa ama ni Mayor San Pedro at kabilang sa kanyang mga political leader.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-12:30 kamakalawa ng hapon sa Phase 3 Block 2 NHA Housing, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod. Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima sa suspek at mga kapitbahay na sina Joel Carabot, 20; Raymond Erador, 20; at Rudy Malate, 22.
Bigla umanong nagtalo ang dalawa hanggang sa sunud-sunod na undayan ng saksak ng suspek ang biktima bago mabilis na tumakas.
Ayon sa mga saksi, ipinagmamalaki pa umano sa kanila ng suspek na malakas siya sa pamilyang San Pedro dahil sa tao siya ng nakakatandang San Pedro at political leader ng mga ito.
Galit na ipinag-utos naman ni Mayor San Pedro sa pulisya ang agarang pag-aresto sa suspek kasabay ng pagtanggi na lider niya ito. Sinabi nito na halos lahat umano ay maaaring magmalaki na tauhan niya lalo na kung nag-iinuman. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending