MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pagbubukas ng kanilang Line 1 Extension sa darating na Pebrero kung saan inaasahang matatapos na ang konstruksyon ng kanilang mga istasyon.
Ngunit nilinaw ni Tina Cassion, tagapagsalita ng LRTA, na hanggang Roosevelt Avenue sa Muñoz, Quezon City lamang ang inisyal na hangganan ng operasyon ng Line 1 Extension hanggang hindi pa natatapos ang terminal sa North Avenue.
“Supposedly po, iyong North Avenue extension ang magiging common terminal para sa ginagawa pa ring MRT 7 at ang MRT 3. Ang pagbubukas po at pagkumpleto ng EDSA loop ay depende kung kailan matatapos ang konstruksyon ng common terminal,” ani Cassion.
Dahil dito, hindi pa rin magiging dire-diretso ang magiging biyahe ng mga pasahero sa buong EDSA kung saan kailangan pang maghintay ng hanggang Hunyo na dito inaasahang matatapos ang konstruksyon ng North Avenue Com mon Terminal.
Ipinaliwanag rin ni Cassion na sa oras na makumpleto na ang loop o ang koneksyon ng LRT Line 1 sa MRT 3 sa Hunyo, kailangan pa ring bumaba ng tren ng mga pasahero, maglakad sa elevated pathwalk at muling bumili ng tiket ng MRT para makalipat ng tren na bibiyahe ng hanggang Taft Avenue sa Pasay City.
Samantala, sinabi naman ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Undersecretary Guilling Mamondiong na posibleng maaprubahan naman ng National Economic Development Authority (NEDA) ang proyekto para sa “common ticket” sa lahat ng rail system kabilang ang LRT, Metro Rail Transit at Philippine National Railways na isinasailalim ngayon sa rehabilitasyon. (Danilo Garcia)