MANILA, Philippines - Nanawagan si Quezon City Vice-Mayoralty candidate, Joy Belmonte, sa Commission on Elections (Comelec), na magtakda rin ng mga ‘designated poster areas’ (DPA), para sa campaign materials ng mga kandidato ngayong halalan.
Ani Belmonte, kandidato ng Liberal Party (LP), mas magiging maayos at malinis ang halalan kung mababawasan ang pagkalat ng mga campaign materials tulad ng mga banner at tarpaulin sa pagtatalaga ng Comelec ng mga DPAs sa bawat lugar sa bansa na tanaw ng lahat. Ang panawagan ni Joy B ay kasunod naman ng pagpapatupad ng Comelec ng nationwide gun ban na nagsimula noong Linggo, Enero 10.
Aniya pa, kung layunin ng gun ban na mabawasan ang pagdanak ng dugo at karahasan ngayong eleksyon, layunin naman ng kanyang panukala sa Comelec na mabawasan ang pagkalat ng mga basura at dumi sa kapaligiran dala ng mga nagkalat na mga campaign materials.
Binigyang-diin ni Joy B na hindi dapat kalimutan ng mga kandidato at ng publiko ang kanilang responsibilidad para sa isang malinis na kapaligiran na karaniwang nababalewala sa tuwing papasok ang panahon ng kampanya.
Kasabay nito, ipinag-utos na rin niya sa kanyang mga campaign volunteers ang pagbaklas ng kanyang mga campaign materials na napasama sa mga nagkalat ng posters at tarpaulin sa lungsod at paglipat sa mga ito sa tamang lugar.
“Mas maganda kung may designated area ang Comelec para naman walang mga nakasabit sa mga kable at linya ng kuryente dahil hindi naman magandang tingnan.
“Mas makatutulong tayo sa kapaligiran kung nakalagay sa isang maayos na lugar ang mga ito,” pahayag ni Joy.
Pabor din umano ito sa mga kandidatong ‘di sapat ang pondo dahil mababawasan ang kanilang gastusin para sa mga campaign materials.