Kelot binoga sa Maynila
MANILA, Philippines - Tila lalo pang nagpalala sa kriminalidad ang pagpapatupad ng gun ban, partikular sa Maynila dahil sa kawalan ng pulis na nagmementine sa kaayusan at kapayapaan.
Ito’y matapos isang 45-anyos na lalaki ang pinagbabaril sa paglabas nito mula sa isang videoke bar, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Namatay sa pinangyarihan ang biktimang si Federico Timbol, ng 1st Ave., Grace Park Caloocan City sanhi ng tatlong balang tinamo sa katawan.
Mabilis namang nagsitakas ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa eskinita sa #1702 Juan Luna St., Tondo, malapit sa AJ Okray Videoke Bar,
Kasama ng biktima at tatlo pang kaibigan galing sa inuman sa bar nang biglang umalingawngaw ang mga putok kaya nagsitakbuhan ang mga kasama niya at naiwan siyang nakabulagta.
Sa pahayag sa mga tauhan ng MPD, aminado sila na mistulang ‘imbalido’ na sila sa pagpapatupad ng ‘gun ban’ dahil sa sobrang paghihigpit kaya mas pinili nilang manatili sa opisina kaysa maaresto dahil sa pagbibitbit ng baril.
“Paano naman kami, hindi kami puwedeng magdala ng baril kahit nasa intelligence kami, mahirap na kung kaming pulis ang makulong. Marami nang nasampolan na pulis, may kaso na kulong pa,” anang ilang miyembro ng MPD.
Sinabi pa ng mga pulis na iniiwan na lamang nila sa kanilang bahay ang kanilang service firearms kaya’t sakaling may matitiyempuhan silang criminal o komosyon lalo na ang mga armadong masamang elemento ay hindi nila maaring tapatan ng ‘manu-manong labanan.
Matatandaang kamakalawa ng tanghali ay binaril sa loob ng pampasaherong dyip dakong ala-1:45 ang balikbayan na seaman sa pagpalag sa mga holdaper. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending