MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) ang isang 47-anyos na seaman na ilang araw pa lamang bumaba ng barko, matapos holdapin ng tatlong lalaking nagpanggap na pasahero, habang sakay ng dyip, sa bahagi ng Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng hapon. Kinilala ang biktimang si Clavier Pagdulagan, 47, residente ng Phase 3, Block 8, Lot 17, Natividad Subdivision, Defaro Novaliches, Caloocan City. Nagtamo siya ng isang tama ng bala sa dibdib.
Sa ulat ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:45 ng hapon kahapon, nang maganap ang insidente sa panulukan ng Lope De Vega at Rizal Avenue Sts., Sta. Cruz, Maynila.
Sa salaysay ng maybahay ni Clavier, na si Evangeline Pagdulagan, 49, sumakay sila ng dyip sa T.M. Kalaw st., matapos manggaling sa Philamlife Insurance office sa U.N. Avenue, Ermita, Maynila. Nang binabagtas na umano ang kahabaan ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz, ay biglang hinablot umano ng isa sa tatlong suspek ang kwintas ng biktima, na hindi nauulinigan ng misis nito.
Sa paglingon ng ginang ay nakita niya na nakabulagta na ang kaniyang mister, na pumalag umano sa mga holdaper kaya binaril sa dibdib at sabay na dinukot ng isa sa suspek ang bulsa nito, tangay ang sobre na naglalaman ng $2,000. o tinatayang P100,000 subalit iniwan umano ang wallet na katabi ng sobre.
Sa pahayag ni Noel Urmeneta, driver ng dyip (NYJ-854), biyaheng Harrison-Munoz, ang mga suspek ay 6 na lalaki na kasunod lamang sumakay ng mga biktima at isa lamang umano ang armado ng baril.
Nagsipagbabaan ng dyip ang iba pang pasahero habang mabilis na isinugod sa JRRMC ang biktima na idineklarang patay.
Bubusisiin pa ang motibo sa insidente dahil sa dudang may kasabwat ang mga suspek na kakilala ang biktima . Bukod umano sa alam ang pinaglagyang sobre ng malaking halaga, kadarating lamang mula sa abroad ang biktima. (Ludy Bermudo)