Pagawaan ng lusis idedemanda
MANILA, Philippines - Dahil sa tinamong 3rd degree burn ng chief of staff ni Manila Vice Mayor Isko Moreno at ina nito sa nakaraang pagdiriwang sa pagsalubong sa Bagong Taon, nakatakda silang magreklamo laban sa pinagbilhan at manufacturer ng lusis na hindi umano nila inasahang sasabog.
Hanggang sa kasalukuyan ay nakaratay pa rin sa Manila Doctor’s Hos pital sa United Nations Avenue sa Ermita, Maynila sina Joel Par, kasalukuyan ding director ng Liga ng mga Barangay sa Maynila, na nagtamo ng 3rd degree burns sa natuklap na balat ng tiyan at ina na si Antonina na nasugatan sa katawan, dahil sa pagsabog ng hawak na malaking lusis na sinindihan sa kanilang rooftop.
Maswerte umanong hindi pa nag-aakyatan sa rooftop ang mga kapamilya kabilang ang mga bata nang sindihan at kagyat na sumabog ang lusis kaya ang ina at si Par lamang na magkatabi ang nasabugan.
Kinumpirma ni Moreno na ‘out of danger’ na si Par at nagpapagaling na lamang.
Naniniwala din si Mo reno na dapat na magsilbing aral sa mga magulang at kabataan ang panganib na dala ng isang sparkler o lusis. (Ludy Bermudo at Doris Franche)
- Latest
- Trending