Misis tinodas si mister bago nagpatiwakal
MANILA, Philippines - Binaril muna ang asawa at nang mamatay ay saka nagpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang pulso ang isang ginang dahil sa labis na depresyon makaraang magtalo dahil sa pagkakaroon umano ng babae ng una sa lungsod Quezon.
Ito ang pinalalagay ng mga awtoridad na dahilan sa pagkamatay ng mag-asawang sina Maximino Araseles, 48, barangay tanod; at Merlinda, 46, na natagpuan na kapwa walang buhay ng kanilang 16 anyos na anak na si Maurine sa loob ng kanilang tahanan sa # 4987 Unit 1 Lower Bayanihan St., Litex, Barangay Commonwealth sa lungsod kahapon ng umaga.
Ayon kay P03 Alden Lassam, ng Police Station 6, ang ginang ay natagpuang naliligo sa sarili nitong dugo habang nakahandusay sa may sala na laslas ang kaliwang pulso kung saan nakita sa tabi nito ang isang kitchen knife.
Ang asawa nito ay nakita namang walang buhay sa master’s bedroom na nasa ikalawang palapag ng bahay na nakahiga sa kama at nakasuot lamang ng underwear at may tama ng bala sa likod. Nakita rin sa tabi ng lalake ang kalibre 38 baril.
Sinabi ng pulisya na posibleng kagigising lamang ni Maurine nang matuklasan niya ang nasabing insidente.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago nangyari ang insidente, narinig pa ng kapitbahay na si Laarni Templado na nagtatalo ang mag-asawa dahil sa umano’y ibang babae ng mister.
Ayon kay Templado, kamakalawa ay nagtungo pa sa kanyang bahay ang ginang at ibinulalas nito ang kanyang problema hingil sa pagkakaroon ng babae ng asawa na nag dulot dito ng labis na depresyon.
Pinalalagay ng pulisya, na sa pagtatalo ay posibleng nabaril ni misis ang kanyang mister bago ito bumaba sa kanilang sala at kumuha ng kutsilyo para magpakamatay sa pamamagitan naman ng paglaslas sa kanyang pulso. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending