2 kelot kinursunada ng amok, todas
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang natagpuang duguan at wala nang buhay matapos kursunadahin saksakin ito ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktima na nakilala sa pamamagitan ng kanilang identification cards (ID) na sina Richard Tunog, 25, salesman ng Pag-asa 2, Brgy. 201 Zone 20 ng naturang lungsod at si Ramon Talagtag Jr., 18, binata, ng Sitio Wella, Barangay Balagbag, Pasay City. Nagtamo ang mga ito ng malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Base sa isinagawang imbestigasyon nina SPO1 Joel Landicho at PO3 Nestor Rubel ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay City Police, dakong alas-10:30 ng gabi ng matagpuan ng mga rumorondang tauhan ng Pasay City Police (PCP) Station 10 ang mga duguang biktima na nakahandusay sa kahabaan ng East Service Road, Sitio Wella, Brgy. Balagbag, ng naturang lungsod.
Nauna rito, sinabi ng isang Mark Joseph Calvento, 24, ng Brgy. Balagbag, dakong alas-10:30 ng gabi nang bigla siyang lapitan ng isang lalaki na nakilala lamang niya sa alyas na “Hogan” na may hawak na patalim at nagwawala kung saan tinakot siya na papatayin kung hindi papasok ng kanilang bahay.
Dahil sa pangamba na masaksak ay dali-daling pumasok ng kanilang tahanan si Calvento subalit makalipas lamang ang 30-minuto ay nagulat na lamang siya ng sabihin sa kanya ng kanyang mga kamag-anak na dalawang lalaki ang natagpuang duguang nakahandusay malapit sa kanilang lugar.
Malaki naman ang hinala ng pulisya na maaaring nasalubong ng mga biktima ang naturang lalaki at nakursunadahan nitong saksakin ang mga biktima na noo’y papauwi na ng kanilang mga bahay.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin sa pagsasagawa ng imbestigayon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.
- Latest
- Trending