MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni Manila Police District (MPD) Director C/Supt. Rodolfo Magtibay ang publiko na huwag nang magsuot ng alahas, magdala ng cellphone, magbitbit ng mga bata upang makaiwas sa mga mandurukot, snatcher at disgrasya sa pagdagsa ng milyong mamamanata ngayong araw na lalahok sa prusisyon ng Black Nazarene.
Bukod pa rito, binalaan na rin ang mga lasing (de-bote) na deboto ng Poong Nazareno na huwag nang makisali sa prusisyon upang hindi magkaroon ng gulo at disgrasya na ibubunga ng pagiging lasing.
Kahit aniya, may 1,500 pulis ang ikakalat para umasiste sa tradisyunal na prusisyon, hindi pa rin matututukan ang lahat ng mga deboto lalo na sa mga petty crimes tulad ng pandurukot.
Naniniwala na maaring dumoble ang kapal ng mga magtutungo sa Poong Nazareno na magmumula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at iba pang la- lawigan, matapos ang sunud-sunod na kalamidad na naganap noong 2009.
Magsisimula ang misa dakong alas-6 ng umaga na pamumunuan ni Manila Archbishop Gaudencio Rosales habang alas-7:30 ng umaga sisimulan ang prusisyon sa Quirino Grandstand. (Ludy Bermudo)