MANILA, Philippines - Isang Koreano ang nahulihan ng may 270 gramo ng ‘shabu’ matapos makapa sa pagitan ng dalawang singit nito ng isang non-uniform personnel ng Philippine National Police Aviation Security Group sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kamakalawa ng gabi.
Sa report na ipinadala nina PNP Sr./Supt. Nap Cuaton at Supt. Raniel Villones kay ASG Director Edwin Corvera, kinilala ng dalawa ang suspek na si Seong Phil Hong, may passport number TM 1005425 na nahulihan ng ipinagbabawal na gamot habang nakatago sa kaniyang underwear habang sumailalim ito sa body frisking sa final security check sa nasabing paliparan.
Sinabi ni Villones, si Hong ay sasakay sana sa eroplano ng Asiana Airlines flight 706 patungong Seoul, South Korea ng makunan ng shabu ni Francisco Ople, frisker ng ASG.
Sa ulat ni Ople kay Villones nagduda siya sa Koreano na may itinatago itong droga ng makapa niya ang isang matambok na bagay sa suot niyang underwear.
Ayon kay Villones, dahil sa pangyayaring ito inimbita nila sa isang kuarto sa paliparan si Hong at pinaghubad para malaman ang matambok at nakabukol na bagay sa kanyang underwear.
Si Hong ay ipinagharap ng sakdal sa Pasay City Prosecutor’s Office ng mga awtoridad sa paliparan. (Butch Quejada)