Rollback uli sa presyo ng LPG
MANILA, Philippines - Muling nagbaba ng presyo sa kanilang produkto ang Liquified Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) na umaabot sa P11 kada tangke.
Ito na ang ikalawang pag-rollback sa kanilang presyo ng 20 distributors na miyembro ng LPGMA na dulot umano ng pagbaba ng halaga ng “world contract price” at paghina rin sa demand ng mga kustomer.
Mula sa presyong P609 kada 11 kilong tangke ay mabibili na lamang ito ngayon sa P598, ayon kay LPGMA president Arnel Ty. Bagama’t kumukuha lamang sila ng mga produkto na kanilang nire-refill sa mga malalaking kompanya ng langis sa bansa na may kakayahang mag-refine, hindi naman umano nila matiyak kung susunod ang Big 3 sa naturang rollback.
Nagbigay rin naman ng dagdag pang pag-asa ang LPGMA na magkakaroon pa ng mga pagbaba sa presyo ng LPG sa mga darating na araw dahil sa patuloy na pagbulusok ng halaga ng kanilang pag-angkat at upang mahikayat muli ang publiko na gumamit ng LPG sa kanilang pagluluto makaraang marami ang gumamit na lamang ng alternatibong mga fuel dahil sa pagmamahal nito noong nakaraang Disyembre.
Magugunita na ito na ang ikalawang pagkakataon sa loob lamang ng isang linggo na muling nagpatupad ng rollback ang LPGMA na kung saan nauna noong nakaraang Martes. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending