Roller ng barko kumalas, misis todas
MANILA, Philippines - Isang 47-anyos na ginang ang nasawi habang sugatan naman ang mister nito nang mabagsakan ng isang malaking steel roller na tumilapon nang bumigay sa pagkaka-angkla sa isang papaalis na cargo ship, sa Pier 6, North Harbor, Maynila kahapon.
Dead on the spot ang biktimang si Nelia Acedera, 47, ng TC-18 Barangay Citrus, San Jose Del Monte, Bulacan dahil sa pagkakabagsak ng napakabigat na metal roller sa kaniyang katawan at dumurog din sa kaniyang mukha.
Masuwerteng nakaligtas gayunman ay nabalian ng hita ang mister nitong si Francisco Acedera, 56, estibador ng Negros Navigation, ang may-ari ng nasabing cargo ship at kasalukuyang ginagamot sa Mary Johnston Hospital.
Ayon sa ulat ni Det. Jaime Gonzales ng Manila Police District-Homicide Section, aksidente umanong bumigay ang metal roller, na pinag-iikutan ng lubid na naka-dock na barko, sa loob ng compound ng Negros Navigation at Port 6, North Harbor, Port Area da kong ala-1:00 ng madaling-araw.
Masuwerte ding nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang anak ng mag-asawa na 2-taong gulang.
Papaalis na umano ang MV San Sebastian Cargo Vessel sa Pier patungo ng Palawan matapos itong magdiskarga nang biglang bumigay ang metal roller habang kinakalag ng mga security guard ang tali ng barko, na tumilapon sa dalawang biktimang natutulog sa tabi ng ship dock.
Sa kabila ng pangyayari, itinuloy pa rin ni Captain Domidor Hortilloza ang pag-alis ng barko at mga crew na mistulang hinit-and-run ang mag-asawa.
Nabatid na nagtatrabaho ang mister ng nasawi sa Pier at bumisita sa kaniyang trabaho ang misis kaya doon na pinatulog.
Hindi naman umano alam ng pamunuan ng Negros Navigation na nagdadala ng kapamilya ang kanilang empleyado, na hindi nila pinapayagan, bagamat sasagutin umano ang gastusin ng mga biktima.
- Latest
- Trending