Naarestong 3 holdaper pinalaya, 2 parak sinibak
MANILA, Philippines - Tinanggal sa kanilang puwesto ang dalawang tauhan ng Pasay City police makaraang pakawalan umano ang tatlong ‘pulis’ holdaper na nambiktima sa isang negosyante, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ipinag-utos ni Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta ang “relief order” kina SPO4 Vitus Pomida at PO1 Adrian Manatad, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct 8. Pinagpapaliwanag rin naman ni Petrasanta ang hepe ng dalawang pulis na si P/Insp. Prudencio Lumapat dahil sa “command responsibility”.
Sa ulat na inilabas ng Pasay Station Investigation and Detective Management Section, dakong alas-11:55 kamakalawa ng gabi nang holdapin ng anim na armadong lalaki si Amrodin Makasilang, 42, habang binubuksan nito ang compartment ng kanyang kotse sa parking area ng Newport City sa Manlunas st., Villamor Airbase.
Tinangay ng mga salarin ang P230,000 cash, mamahaling relos, at isang pares ng sapatos. Namataan naman ang pangyayari ng security guard ng lugar na siyang humingi ng saklolo sa PCP 8.
Agad namang rumesponde sina SPO1 Pomida at dalawa pang pulis na siyang umaresto sa tatlo sa mga suspek habang nakatakas ang tatlo pa. Dinala ang mga suspek sa PCP 8 maging ang gamit nilang Isuzu Crosswind (SHP-331) ngunit sa loob ng istasyon ay nagpakilalang mga pulis na sina SPO1 Wilfredo Aquino, PO3 Ruben Reyes at PO3 Ricardo Santos na pawang nakatalaga umano sa Intelligence Unit ng Northern Police District.
Kataka-takang pinakawalan umano nina Pomida at ni Manatad ang tatlong suspek nang hindi nakikipagkoordinasyon sa NPD Headquarters upang maberepika ang pagpapakilala ng mga ito na pulis.
Nagreklamo naman sa Pasay-SIDMS ang biktimang si Makasilang dakong alas-4:30 ng madaling-araw. Ipinatawag naman ni Chief Insp. Joey Goforth, deputy chief, si Pomida ngunit hindi umano ito tumalima nang malaman ang reklamo laban sa kanya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending