P2-milyong mansanas hinaydyak
MANILA, Philippines - Masusing iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD) kung may anggulong “hijack me” ang pagkakawala ng P2-milyong halaga ng mansanas na sinasabing tinangay ng anim na armadong kalalakihan sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Pansamantalang pinigil sa MPD-Anti-Carnapping Unit (ANCAR) ang driver at pahinante na humakot ng delivery, na kinilalang sina Reynaldo Olaes, 34 at Alberto Tolosa, 25, kapwa ng Tondo, Manila.
Nabatid na ang dalawa ay mga tauhan ng negosyanteng si Danilo Valencia, may-ari at operator ng DVV Trucking, na tumayong complainant sa insidente ng hijacking.
Anim na armadong suspek ang itinuturong humarang at tumangay ng mansanas na nakasakay sa tractor head truck. Pawang nakasuot umano ng mga bull cap ang mga suspects. Sa ulat ni C/Insp. Randy Maluyo, hepe ng ANCAR, dakong 3:35 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Road 10, Tondo, Maynila.
Sa naging salaysay nina Olaes at Tolosa, hinakot nila ang P2 milyon halaga ng mansanas mula Manila International Container Terminal (MICT) at ikinarga sa isang Isuzu Tractor (PXN 847) na may tractor head na nakatakdang ideliber sa Banzon warehouse, sa San Rafael St., Balut, Tondo.
Habang nasa Road 10 ay hinarang umano sila ng mga suspek, pinababa umano sila at isinakay sa isang kulay silver na Toyota Innova na walang plaka at iginapos ang kanilang mga kamay at ang 2 sa 6 na suspek ay sumakay sa tractor head upang mag-convoy.
Nang nasa C-3 na sakop ng Caloocan City ay na-flat umano ang gulong ng tractor head, pinababa umano si Olaes at siyang inutusan na magpalit ng gulong kaya nakabiyahe pa sila hanggang sa Obando, Bulacan kung saan sila pinababa sa Navarette st. at iniwan sila habang tangay ng mga suspek ang mansanas.
Sinabi pa ng dalawa na nagtungo sila sa Obando Police Station subalit hindi umano iblinater ang kanilang reklamo bagkus ay binigyan lamang sila ng pamasahe ng pulis.
Sa panig ni Maluyo, duda siya sa mga salaysay ng dalawa kaya magsasagawa ng ocular inspection sa mga lugar na pinangyarihan at sa Obando Police kung bakit hindi nai-blotter ang insidente.
Dagdag pa ni Maluyo, bukod sa hindi magkakatugma ang naging pahayag ng dalawa, si Tolosa ay may record sa MPD-Theft and Robbery Section (TRS) sa kasong pagnanakaw. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending