80-anyos na lola kritikal sa helper
MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang 80-anyos na lola makaraang paluin ng matigas na bagay sa ulo ng helper nito sa loob ng kanilang bahay, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Isinasailalim ngayon sa obserbasyon sa pagamutan dahil sa tinamong sugat sa ulo at katawan ang biktimang si Lucila Salonga, biyuda, ng F. Antonio St., Brgy. Bambang, ng naturang lungsod.
Nakilala naman ang pinaghahanap na suspek na si Joel Cabunag, stay-in helper sa naturang bahay.
Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Harold Mangaoil, may hawak ng kaso, sinabi ni Cecilia Santos , 54, may-asawa, anak ng biktima, na natagpuan niya ang duguang katawan ng ina dakong alas-9 ng gabi sa loob ng bahay nito.
Nauna umanong naghahanda sila sa pagbubukas ng kanilang ice cream store dakong alas-7 ng gabi ngunit iniwan niya ang ina at si Cabunag upang magsimba. Nang bumalik, kinabahan siya nang makitang sarado ang ilaw sa bahay ng ina na katabi lamang ng kanilang sariling bahay.
Nang mag-usyuso, dito niya nakita ang ina na duguang nakahandusay at wala na ang kanilang boy na si Cabunag. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang insidente kung saan inaalam kung may nawalang mahalagang bagay sa loob ng bahay dahil sa teoryang pagnanakaw ang motibo ng krimen. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending