22 milyon estudyante, balik-eskuwela

MANILA, Philippines - Nagbalik na sa paaralan ang nasa 22 milyong mag-aaral sa elementarya at high school kabilang ang mga estudyante sa lalawigan ng Albay at Legazpi City sa pag­tatapos ng “holiday vacation”.

Sinabi ni Kenneth Tirado, tagapagsalita ng DepEd, na naging normal naman ang balik-eskwela ng mga mag-aaral partikular na sa Metro Manila sa kabila ng ilang mga insidente na nagbu­lakbol ang mga estudyante sa high schools na nama­taan sa mga malls kaysa pu­masok sa paaralan.

Balik-normal na rin ang klase sa mga paaralan sa Albay at mga lugar na na­apek­tuhan ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon maliban sa Albay Central School na may mga evacuees pang nananatili.

Sinabi ni Tirado na inum­pisahan ang klase sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagli­linis sa mga silid-aralan at mga kagamitan na napuno ng alikabok buhat sa dalawang linggong hindi pagkaka­gamit.

Sinabi ni DepEd NCR Director Teresita Domalanta na kailangang mapunan ang mga klase na nawala noong nakaraang taon dahil sa sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa. Kaila­ngang mapunan ang 204 school days na inaasahang magiging maayos dahil sa pagpasok ng “summer season”. (Danilo Garcia)

Show comments