MANILA, Philippines - Isang obrero ang napatay makaraang tarakan ng saksak ng kanyang kababayang Waray na nairita nang tanggihan niya ang inialok nitong kape sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Supt. Crisostomo Mendoza, hepe ng Batasan Police station 6, ang biktima na si Franco Gallego, 33, ng Barangay San Jose, Calumpang, Antipolo City.
Si Gallego ay binawian ng buhay matapos isugod sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong isang tama ng balisong sa kanang dibdib.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek na si Faustino Casiguran, 50, kababayan ng biktima at nakatira sa Area 5 Sitio Kumunoy, Bagong Silangan.
Nauna rito, nagka-inuman muna ang biktima, suspek at ibang kasamahan.
Sa gitna ng inuman sa nasabing lugar, nagtalo ang dalawa na agad namang napakalma ng iba nilang kainuman.
Sinasabing nakipag-areglo pa si Faustino kay Gallego at para maging maayos ay ipinagtimpla pa niya ang huli ng kape subalit tumanggi ito at sinabayan ng pag-alis para umuwi na umano sa bahay nila.
Sa puntong ito, dahil napahiya ay muling nagalit ang suspek at hinabol ang biktima bitbit ang isang patalim at inundayan ito ng saksak sa dibdib saka mabilis na tumakas. (Ricky Tulipat)