MANILA, Philippines - Napatay ang isang 14 anyos na binatilyo nang magrambulan ang dalawang grupo ng out-of-school youths dahil sa isang bola ng volleyball sa Rizal Park, Ermita, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni C/Insp. Erwin Margarejo, hepe ng Manila Police District- Homicide Section, ang biktimang si Jayson Pagdanganan, 14, ng 59 Purok 1, Bungad, Isla Puting Bato, Tondo, Manila ay idineklarang dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital bunga ng tama ng saksak sa likod.
Nadakip ang tatlo sa mga suspek na sina Julius Cajefe, 16, ng 843 Camba st., Binondo, Manila; Rodney Lansona, 16, ng 219 San Nicolas st., Binondo; at Edman Sapasap, 16, ng 286 Lavezares Street, Binondo.
Dahil sa menor-de- edad, inilipat na sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang tatlong suspek.
Sa imbestigasyon ni Det. Edgardo Ko, nag-ugat ang rambulan dakong alas-2:10 ng madaling-araw, sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta nang ang grupo ng biktima na tinatayang 30 katao at ang grupo ng mga suspek na binubuo naman ng 20 katao ay naglabu-labo.
Nabatid na namamahinga sa madamong parte ng Luneta ang grupo ng mga biktima matapos mapagod sa paglalaro nang mapadako sa kanilang grupo ang volleyball na tumama sa mukha ni Pagdanganan.
Nang kukunin ng isang 15-anyos na dalagitang kasamahan ng mga suspek ang bola ay galit na galit umano ang biktima at kinompronta ang una.
Nagsumbong ang dalagita sa kanyang kuya na kasama ng mga suspek kaya sumalakay ang mga ito sa grupo ng biktima.
Nagkasuntukan hanggang sa bumagsak si Pagdanganan nang duguan at may tama ng saksak sa likod kaya nagsipulasan ang mga suspek pero tatlo lamang ang nadakip ng pulisya. (Ludy Bermudo)