Bangkay lumutang sa lagoon
MANILA, Philippines - Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang pagkamatay ng isang maintenance crew ng Alabang Golf and Country Club makaraang matagpuan ang bangkay nito na lumutang sa “lagoon” kamakalawa ng umaga sa Muntinlupa.
Nakilala ang biktima na si Conrado Buenavidez, 53, empleyado ng naturang golf course, ng Mangga St., Lakeview Homes, Putatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Muntinlupa police, dakong alas-7:15 ng Huwebes ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima ng mismong pamilya nito na naghanap sa kanya makaraang lumutang sa “man-made lagoon” sa naturang golf course.
Nauna dito, naghinala ang mga kapamilya ni Buenavidez na posibleng may masamang nangyari dito nang hindi makauwi sa kanilang bahay nitong Disyembre 30 na isang pista opisyal. Nagtungo naman ang mga ito sa golf club kung saan inumpisahan ang paghahanap hanggang sa makita ito na lumulutang sa lagoon.
Sa inisyal na teorya ng pulisya, maaari umanong nadulas at naumpog ang ulo ng biktima sanhi upang malaglag at malunod sa lagoon. Hindi rin inaalis ng pulisya na maaaring nagkaroon ng foul play sa insidente kung saan inimbitahan na ng pulisya ang mga tauhan ng golf club upang makunan ang mga ito ng pahayag. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending