Bagong grupo ng mga holdaper, hinamon ang mga pulis
MANILA, Philippines - Isang bagong grupo ng organisadong mga holdaper ang binabantayan ngayon ng Pasay City police makaraang magpahatid pa ng mensahe sa pulisya ang lider nito na hindi sila pahuhuli nang buhay.
Sa impormasyong nakarating kay Chief Insp. Joey Goforth, deputy chief ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay police, pinamumunuan ng grupo ng kilabot na kriminal na si Jennis Bravo, alyas “Snake” at nakapag-recruit ng mga miyembro na buhat sa Sigue-Sigue Sputnik Gang na nakasama nito sa kulungan.
Nabatid na pinakahuling sinalakay ng grupo ni Bravo ang AC Transit (TXK-213) noong Disyembre 29 kung saan natangay nila ang malaking halaga ng salapi, alahas at cellphone ng may 15 pasahero nang magdeklara ng holdap sa bahagi ng Buendia Avenue, sakop ng Pasay City.
Sinabi ni Goforth na matagal na nilang tinutugis ang grupo ni Bravo na sangkot sa iba’t ibang kaso ng robbery, murder at iba pang krimen ngunit hindi pa nila natitiyempuhan. Tiniyak naman nito na hindi sila titigil sa paghahabol sa grupo lalo na at nagbabala ang mga ito na makikipagpatayan sila sa mga pulis kaysa sa sumuko.
Nagpalabas na rin ng direktiba si Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta na maging maingat sa pagtugis sa armadong grupo at huwag bibigyan ng pagkakataon ang mga ito na makapaghasik pa lalo ng krimen sa lungsod. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending














