Meralco nagbabala sa mga pekeng kolektor
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Manila Electric Company (Meralco) sa publiko na mag-ingat at huwag makipagtransaksyon sa mga nagpapakilalang kolektor ng singil sa kuryente na nagbabahay-bahay.
Sinabi ni Meralco external communications manager Joe Zaldarriaga na walang dini-deploy na mga kolektor ang kompanya at kung may pupunta sa kanilang bahay na naningil sa bills ay pawang mga peke o nagpapanggap na mga kolektor ang mga ito.
Iginiit nito na matagal na nilang tinanggal ang sistema ng paniningil ng mga kolektor na nagbabahay-bahay at ang bayaran ngayon ay sa pamamagitan na ng bangko, Meralco business center at ibang bayad centers.
Inilabas ng Meralco ang paalala sa publiko makaraang makatanggap ng napakaraming sumbong o ulat na may mga gumagalang pekeng kolektor na nakapambiktima na sa marami nilang mga kliyente. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending














