Bomb scare sa Camp Crame
MANILA, Philippines - Nabulabog kahapon ang mga tauhan at bisita sa tanggapan ng Complaints Referral and Action Center ng PNP- Police Community Relations Group (PNP-PCRG) matapos na mapagkamalang bomba ang inabandonang kahon ng isang Chinese sa nasabing tanggapan sa Camp Crame, Quezon City.
Ito’y sa gitna na rin ng paghahanda sa paghihigpit sa seguridad ng PNP sa gaganaping pagdinig sa Police Non-Commissioned Office (PNCO) sa Camp Crame ng kontrobersyal na Maguindanao massacre sa darating na Enero 5 ng susunod na taon.
Ayon sa mga Camp Crame insiders, maging ang mga empleyado ng PNP Headquarters ay nate-tensyon sa napipintong pagdinig ng kaso ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa PNCO.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-10 ng umaga nang mag-panic ang mga empleyado at mga bumibisita sa nasabing tanggapan dahil sa isang inabandonang kahon na pinaghinalaang may lamang bomba ang nakita.
Agad namang nagresponde ang mga operatiba ng PNP Explosives and Ordnance Division matapos itong ireport ni SPO3 Samad Baharan. Ang nasabing kahon na sinlaki ng maliit na television set ay basta na lamang umano iniwan ng isang Chinese at napagkamalang bomba dahilan sa itsura nito na may black powder.
Gayunman, matapos isailalim sa pagsusuri ng mga bomb expert ang nilalaman ng kahon na idinaan sa portable X-ray ay lumitaw na bagaman kumpirmadong may ‘black powder’ ay negatibo naman ito sa wirings at detonator.
Maingat na binuksan ng mga awtoridad ang nasabing kahon at dito tumambad sa kanila ang mga pyrotechnics na nasa loob ng nasabing kahon.
- Latest
- Trending