Brgy. chairman utas sa resbak

MANILA, Philippines - Isang 56-anyos na barangay chairman ang napatay sa saksak nang resbakan ng ipinakulong niya sa Manila City Jail , sa Tondo, Manila kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Reynaldo Jornales, chairman ng Barangay 109 Zone 8 District 1 at residente ng Ma­suwerte St., Tondo, Maynila sanhi ng mga saksak sa katawan.

Hinahanting naman ng pulisya ang tatlong suspek na kinilalang sina Leonel Enriquez, alyas “Lupen”, ng Bgy 85, Zone 8 District 1 Bernie Ladia, alyas Bernie, ng 100 Maharlika St., Tondo at isang alyas “Macmac” Arendela, pawang nasa edad 19-20.

Sa ulat, dakong ala-1:55 ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Magalang at Mapagmahal St., Tondo.

Nabatid na kadarating pa lamang ng biktima mula sa pagsundo sa kaanak na naospital sa Pasay City Hospital nang umupo sa isang bangko at umi­nom ng tsaa. Hindi umano alam ng biktima na may ilang oras nang naka­puwesto ang mga sus­pek malapit sa lugar at sadyang inaabangan siya. Nang makitang nag-iisa ang biktima ay nagsilapit ang tatlong suspek at pinali­butan na ang biktima at pinagsa­saksak.

Nabatid na noong Hunyo, inaresto umano ng biktima sina Enriquez at Ladia sa iba’t ibang kaso subalit pina­kawalan din ito. Nang muling manggulo ang mga suspek sa lugar at hinabol pa ng pen gun ang isang barangay ka­gawad na si Fred Martinez, inaresto muli si Ladia habang si Enriquez ay naka­­takas.

Kinasuhan si Ladia at nakulong sa Manila City Jail, na pinalaya lamang noong Nobyembre 16, dahil sa pag-urong sa kaso ng kanyang nabiktima. (Ludy Bermudo)

Show comments