Police major utas sa riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Walang nagawa ang isang opisyal ng Quezon City Police nang pa-traidor na pagbabarilin at mapatay ng riding-in- tandem habang nakikipag-usap sa dalawang waiter sa labas ng isang restaurant sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Apat na tama ng bala sa ulo at katawan ang tumapos sa buhay ng biktimang si Chief Inspector Michael Coo, 38, nakatalaga sa Masambong Police Station 2 ng QCPD at residente ng Millionaires Village, Novaliches, Quezon City.
Ayon sa ulat, pasado alas -11 ng gabi ng tirahin si Coo ng mga suspek sa may Tita Ritz Grill and Restaurant na matatagpuan sa kanto ng Commonwealth Avenue at Labayani St., Brgy. North Fairview ng nasabing lungsod.
Lumilitaw na planado ang isinagawang krimen matapos na i-set up ito ng sinasabing ka deal nito na makikipagtagpo sana sa nasabing lugar kung saan nakaabang na ang mga suspect na lilikida rito.
Bago nito, sinasabing dumating umano ang biktima sa nasabing restaurant na mag-isa sakay ng kanyang kulay itim na Honda Civic (XKU-631) at iniwan sa loob ng sasakyan ang kanyang baril na kalibre .45 pistola.
Base sa salaysay ng mga saksing sina Richard Malalay at Lester Soriano, mga waiter ng nasabing restaurant, kararating lang umano ng opisyal sa nasabing establishment at nagtanong sa kanila kung mayroon pang ibang sangay ng Tita Ritz Grill and Restaurant nang biglang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang hindi kilalang lalaki.
Mula sa likuran ng biktima ay biglang nagbunot ng baril ang mga suspek at pinagbabaril ito.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek patungong Jordan Plane kasabay ang isang Toyota Innova na kulay pula na pinaniniwalaang kasabwat ng mga suspek.
Sa pagsisiyasat, narekober sa lugar ng pinangyarihan ang anim na empty shell at isang slug ng kalibre 45 baril na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa nasabing opisyal.
Nakuha ng SOCO ang nasabing baril ng biktima sa ilalim ng upuan ng driver’s seat, gayundin ang wallet at cellphone nito na nasa kanyang katawan.
Tinitingnan din ng mga awtoridad ang anggulong love triangle na ayaw namang ibigay ng mga awtoridad ang buong detalye nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU kaugnay sa insidente.
- Latest
- Trending