Nabaril na opisyal ng Senate police kakasuhan din
MANILA, Philippines - Sasampahan din ng kaso ang opisyal ng Police Security Protection Group (PSPG) na nabaril ng kanyang tauhan sa loob ng Senado makaraang madiskubre na nasa kanyang kotse ang nawawalang armalite rifle na naging dahilan ng kanilang pagtatalo noong araw ng Pasko.
Mahaharap sa kasong theft bukod pa sa kasong administratibong “anti-graft and corrupt practices act”, at “unethical conduct of government employee” si P/Insp. Julius Alatraca, 41, action officer ng PSPG sa oras na makalabas ito ng pagamutan dahil sa tinamong tama ng bala sa pisngi.
Una nang sumuko sa Pasay police ang nakabaril na si PO3 Fernando Macalindong na nahaharap ngayon sa kasong frustrated homicide.
Sa isinumiteng ulat ni Chief Insp. Reynaldo Paculan, hepe ng Pasay Station Investigation and Detective Management Section, nagsimula ang krimen sa nawawalang mga armalite rifles nina SPO1 Jamir Loyola, SPO1 Yacob Janib at PO1 Joey Badinas.
Sa formation ng PSPG noong araw ng Pasko, hinanap umano ni Alatraca ang nawawalang mga baril. Ngunit alam umano ni Macalindong na nasa compartment ng kotse ni Alatraca ang mga baril kaya hiniling nito na buksan ito upang magkaalaman. Dito nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa mabaril ni Macalindong ang kanyang opisyal.
Matapos naman ang masusing pagsisiyasat nina SPO1 Allan Valdez at PO3 Marianito Agas, may hawak ng kaso, natuklasan na nasa loob nga ng compartment ng kotse ni Alatraca ang mga nawawalang armalite rifle matapos pumayag ang kapatid ng opisyal na mabuksan ito sa harap ng mga imbestigador. Matatandaan na unang naiulat na nasa kotse ni Macalindong ang mga baril ngunit kabaligtaran ang lumabas sa imbestigasyon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending