MANILA, Philippines - Isang babae na tinatayang nasa 20-anyos ang natagpuang patay sa isang silid ng hotel, sa Sampaloc, Maynila, sa ulat kahapon.
Ayon kay Chief Insp. Erwin Margarejo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, kailangan pa nilang imbestigahang mabuti ang kaso upang matukoy ang motibo sa krimen dahil sa pagtungo ng hindi pinangalanang mag-asawa na nais kunin ang bangkay at sinasabing ito ang nawawala nilang anak na 14- anyos.
Sa pagtaya ng pulisya, ang katawan ng biktima ay akma sa edad na 20-anyos, may taas na 5’3’’, slim, kayumanggi, nakasuot ng silver bracelet at brown t-shirt at maong na pantalon at hindi umano masa sabing 14-anyos.
“The pubic area is also not consistent with that of a 14-year-old girl,” ani Margarejo.
Bukod sa duguan ang ari, magang-maga rin ang katawan ng biktima na pinaniniwalaang mahigit sa 24-oras na itong patay.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ang bangkay dakong alas-6:30 ng umaga sa loob ng room #346 ng Marina Hotel, sa Nicanor Reyes St., Sampaloc.
Pinaghahanap din ng pulisya ang itinuturong nagbayad ng kuwarto kung saan nakita ang bangkay.
Ayon sa impormasyon ng hotel, isa umanong ‘bading’ ang nag-check-in sa nasabing kwarto noong Disyembre 22 . Ang nasabing bading din ang nagbayad pa ng 12-oras na ekstensiyon para sa nasabing silid na aabot hanggang Disyembre 25 ng alas-5 ng umaga.
Huli umano itong nakita ng staff ng hotel noong gabi ng Disyembre 24.
Kinabukasan, lagpas na umano ang binayarang ekstensiyon kaya kinatok na ang silid subalit walang sumasagot kaya napilitang gamitan ng duplicate key at doon tumambad ang nakahigang bangkay ng biktima sa kama.
Walang wallet o gamit na maaring pagkunan ng pagkilanlan ng biktima maliban sa nagkalat na bote ng beer at mineral water.