Anibersaryo ng Rizal Day bombing: Checkpoints inilatag sa MM

MANILA, Philippines - Nagpakalat na ng mga checkpoints at chokepoints ang National Capital Region Police Office sa iba’t ibang entry at exit points maging sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila bilang bahagi ng pagtataas ng alarma kaugnay ng ikasiyam na anibersaryo ng Rizal Day Bombing.

Bukod dito, inatasan rin ng NCRPO ng mas mahigpit na pagpapatrulya ang limang police district directors ng Metro Manila sa mga maha­halagang instalasyon lalo na sa bisinidad ng pa­lasyo ng Malacañang, Pan­dacan Oil Depot, United States Embassy, Metro Rail Transit at Light Rail Transit at iba pang matataong lugar.

Ilang katao ang namatay at marami pa ang sugatan nang bombahin ng mga terorista ang Light Rail Transit sa Manila noong Disyem­bre 30, 2000.

Sinabi ni NCRPO Director Roberto Rosales na mas mahigpit ngayon ang pulisya sa mga nakamotorsiklo lalo na iyong magkaangkas parti­kular na kung gabi upang masa­wata ang mga masasa­mang loob na nangho­hol­dap, mga bayarang hitman, at mga karnaper. (Danilo Garcia)

Show comments