P8-M pekeng Speedo, sabon at shampoo samsam sa raid
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga tindahan at ilang bodega sa hiwalay na operasyon sa Pasay at Maynila matapos ireklamo sa mga pekeng Procter and Gamble at Speedo brand products, kamakalawa.
Tinatayang aabot sa P8 milyong piso ang nasamsam na mga pekeng produkto.
Nasa 5,898 piraso ng pekeng Procter and Gamble products tulad ng Head and Shoulder, Pantene, Rejoice at Olay na umabot sa tinatayang halagang P2-M ang nasamsam sa unang pagsalakay.
Gayundin ang nakuha sa pagsalakay sa First Link Container Yard sa North Harbor, Road 10, Vitas, Tondo, Maynila.
Ayon kay NBI Director Nestor Mantaring, isang Anthony Francis L. Manankil ng Global Time Holdings Limited, ang naghain ng reklamo na kumatawan sa Procter and Gamble Phils. Hindi man naaresto ang mga negosyanteng may-ari ng mga sinalakay na tindahan inihahanda na ang kaso laban sa mga ito.
Sa kasunod na raid, nakasamsam naman P6-M halaga ng pekeng Speedo swimwear sa ilang commercial complex sa Pasay City.
Nasamsam ang kabuuang 6,153 ng Speedo swimwear. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending