Lasing nakipagtalo sa parak, natodas
MANILA, Philippines - Patay ang isang 22-anyos na lalaking nasa impluwensya ng alak makaraang apat na beses barilin ng isang pulis sa isang pagtatalo ilang minuto bago sumapit ang Pasko, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Richard Mangunay, ng #307 G. Villanueva Street, ng naturang lungsod.
Sumuko naman ang suspek na si PO3 Jose Salazar, 41, nakatalaga sa District Mobile Forces ng Southern Police District at residente ng #173 Interior M. Santos, ng naturang lungsod. Isinuko rin nito ang kalibre .9mm Beretta service pistol na gamit sa pamamaril.
Naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng madaling-araw sa tapat ng bahay ng biktima sa G. Villanueva Street. Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima sa mga kapitbahay nang huminto ang isang kotse na lulan ang kaibigan nito at nakipagkuwentuhan.
Nabatid naman na nasa likod ng kotse ang owner-type jeep (TRF-487) na minamaneho ni Salazar kasama ang isang babae kung saan hindi ito makadaan sa makipot na kalsada dahil sa pagkakabara. Dito bumusina ang pulis ngunit hindi ito pinansin ng driver ng kotse sanhi upang bumaba si Salazar at komprontahin si Mangunay.
Isang pagtatalo ang sumiklab na agad din namang naawat ng mga barangay tanod. Nang umalis na ang kotse, paalis na rin umano sana si Salazar nang muling lapitan ng lasing na si Mangunay at nakipagtalo pang muli sanhi upang mag-init ang ulo ng pulis, magbunot ng kanyang baril at sunud-sunod na paputukan ang biktima.
Mabilis na tumakas ang pulis ngunit sumuko rin naman sa kanyang hepe na si Pasay chief of police, Sr. Supt. Raul Petrasanta kung saan ikinatwiran nito na idinipensa lamang niya ang sarili. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending