Tinyente binoga ng PO3
MANILA, Philippines - Kritikal ang isang opisyal ng pulisya makaraang barilin ng isa niyang tauhan habang nagtatalo sa tapat ng kanilang barracks sa loob ng compound ng Senado sa Pasay City kahapon ng umaga.
Isinugod sa Manila Sanitarium Hospital dahil sa dalawang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang biktimang si P/Insp. Julius Tugade Ala traca, hepe ng isang unit ng Police Security Protection Office (PSPO) na siyang nagbibigay ng seguridad sa Senado. Pinaghahanap naman ang suspect na kabaro na nakilalang si PO3 Fernando Macalindong dala ang ginamit na armas sa pamamaril.
Sa inisyal na ulat ng Pasay police, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng umaga sa tapat ng barracks ng PSPO sa compound ng Senado. Nagsasagawa umano ng “formation” ang mga pulis at isa-isang pinagagalitan ni Alatraca ang mga tauhan dahil sa nawawalang M-16 armalite rifle.
Nadiskubre naman agad ang nawawalang baril na nasa loob ng compartment ng kotse ni Macalindong sanhi upang komprontahin nito ang suspek. Pumalag naman ang pulis sa akusasyon ng kanyang opisyal kung saan agad nitong pinaputukan ang biktima.
Isang manhunt operation na ang inilunsad ng Southern Police District upang maaresto ang sus pek. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending