2 pang vintage bomb nahukay sa Pasig river
MANILA, Philippines - Dalawang vintage bomb ang nahukay ng isang dredging company sa Pasig River kamakalawa.
Bunga nito, pinayuhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga sasakyang pantubig na dumadaan sa Ilog Pasig sa posibleng ma idulot na kapahamakan.
May sukat na 76 mm at 105 mm cannon ang natagpuan ng Baggerwerken Dredging Company sa ginagawang dredging operations sa nasabing ilog na nasa lalim umanong 100 metro sa may tapat ng Guadalupe Bridge.
Nailagak na sa Coast Guard Base sa Parola, Binondo, Maynila.
Nabatid na inireport ng nasabing kompanya sa PCG station sa Pasig City, kaya agad nagpadala ng mga tauhan ng Special Operations Group Explosive-Ordnance Division (SOG-EOD) at agad itong isinakay sa inflatable boat.
Una nang nakarekober ng 72 pirasong 105 mm ammunition sa bunganga ng waterway ng nasabing ilog noong Nobyembre ang nasabing kumpanya.
Noong Setyembre, ang Kwan Sing Construction Corporation naman ang nakarekober ng tangkeng pang-giyera na may tatak na United States sa Manila Bay, habang noong Hulyo 25 naman ay isang war vintage 105 Howitzer cannon na sinasabing pag-aari ng Japanese Navy ang nakuha sa pampang sa erya ng Baseco, Port Area, Maynila. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending