MANILA, Philippines - Sugatan ang tatlong tinedyer na lalaki makaraang pagbabarilin at saksakin ng mga miyembro ng kalabang gang matapos mag-Simbang Gabi sa Baclaran Church kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nagpapagaling sa Pasay City General Hospital ang mga biktimang itinago sa pangalang Jay-jay, 16, Mac-Mac, 15, at DJ, 15; na nagtamo ng mga tama ng bala at saksak sa kanilang mga katawan.
Nabatid na pawang mga miyembro ng gang na Pinoy Ruthless Mobsta (PRM) ang mga umano’y isa sa kaaway ng notoryus gang na “True Brown Style (TBS)” na pinamumunuan ng nakilalang isang Randy Aldea, residente ng 5994 Sitio San Juan, Parañaque City.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang karahasan dakong alas-5 ng madaling-araw sa ilalim ng Light Rail Transit-Baclaran station sa may Taft Avenue, Baclaran. Nabatid na kagagaling lamang umano sa Simbang Gabi ng grupo ng mga biktima nang harangin ng mga suspek. Hindi umano nakaporma ang mga biktima dahil bukod sa armado ng baril at patalim ang mga kalabang gang, mistulang pinaghandaan ng mga ito ang kanilang pagdaan sa naturang lugar.
Napag-alaman na pawang mga “rapper” ang mga binatilyong sangkot sa riot at nagsimula ang kanilang alitan nang talunin ng grupo ng PRM sa isang rap contest ang TBS. (Danilo Garcia)