MANILA, Philippines - Nais ni Liberal Party Quezon City Vice-mayoral candidate Joy Belmonte na mabigyan ng mas malawak na serbisyo ang mga taga- Quezon City kaya’t nagplanong pumasok sa pulitika.
Sinabi ni Joy na bagamat baguhan pa lamang siyang papasok sa pulitika ay marami na siyang karanasan sa paglilingkod lalo na sa kapuspalad kaya’t napagdesisyunan niya na maglingkod pa ng higit sa ginagawa sa mga hinahawakang foundation.
“Nasa 40 percent poverty level ang mga kababayan ko sa Quezon City kayat nagplano po ako na tulungan sila sa abot ng aking makakaya,” pahayag pa ni Joy.
Magmula nang magtapos ng kolehiyo si Joy ay nagsimula na siyang maglingkod sa mga kapuspalad nang magturo sa mga kabataan ng Bukidnon kayat alam niya ang mamuhay na walang tubig at walang ilaw sa paligid dahil naranasan niya ito bilang guro doon.
“Hindi po ako tumatakbo bilang Vice Mayor dahil tapos na ang term ng tatay ko bilang Mayor ng Quezon City, wala po itong kinalaman dito, ang plano ko pong pagpasok sa pulitika ay makailan beses kong inisip at napagdesisyonan dahil hangad ko po na mas malawak na mapaglingkuran ang aking mga kababayan dito sa QC,” dagdag pa nito.
Si Joy ay kasalukuyang Pangulo ng QC Ladies Foundation, Husay Pinay Inc., Ilaw ng Bayan Foundation na kumakalinga sa mga kapuspalad at tumulong sa mga kabataan na mabigyan ng libreng pag-aaral. (Angie dela Cruz)