MANILA, Philippines - Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority na mas sisikip pang lalo ang daloy ng trapiko sa ilang mga kalsada sa Metro Manila sa paglapit pa lalo ng Kapaskuhan dahil sa pagiging inutil ng mga lokal na traffic enforcers ng mga lungsod na kastiguhin ang mga naglipanang street vendors at walang disiplinang mga driver ng pampublikong sasakyan.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na silang dalawa ni Executive Director Angelito Vergel de Dios ang dapat batuhin ng sisi ng mga motorista at pedestrian at hindi si Chairman Oscar Inocentes dahil ilang linggo pa lamang nakakaupo bilang hepe ng ahensiya ang dating hukom.
Ikinatwiran niya na sadyang nagiging masikip ang daloy ng trapiko kapag sumasapit ang panahon ng Kapaskuhan dahil, bukod sa maraming motorista ang lumalabas sa lansangan, marami ring mga mamimili at manininda ang nasa lansangan.
Sunud-sunod din ang mga okasyon tulad ng Christmas party na nagiging dahilan upang lalung dumami ang mga sasakyan sa lansangan na nasasabay din sa paglabas ng malalaking delivery truck at van.
Gayunman, ipinaliwanag ni Nacianceno na ginagawa nila ang lahat ng paraan upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mas maraming traffic enforcer sa mga pangunahing lansangan at mas mahabang oras na pagtatrabaho ng mga ito. (Danilo Garcia)