Mayors nakiisa sa MMDA nang mawala si Fernando
MANILA, Philippines - Nagbigay na ng kanilang suporta sa Metropolitan Manila Development Authority ang ilang alkalde ng kalakhang Maynila na hindi kasundo ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando.
Nagpahayag ng kahandaan ang mga alkalde na sundin ang mga regulasyon ng ahensya sa Metro Manila.
Nangunguna rito si Makati Mayor Jejomar Binay na tumuntong muli sa gusali ng MMDA pagkalipas ng pitong taon o nitong nakaraang Huwebes sa regular na Metro Manila Council meeting upang ipahayag ang suporta kay Chairman Oscar Inocentes.
Matatandaan na dahil sa banggaan nina Binay at Fernando, hindi pinapapasok ng una ang mga enforcers ng MMDA sa Makati City at lumikha ito ng sariling set ng batas-trapiko kaiba sa ipinatupad sa mga karatig lungsod sa Metro Manila.
Sinabi ni Inocentes na nagbigay na rin ng kanilang suporta sina Navotas City Mayor Toby Tiangco, Pasay City Mayor Wenceslao Trinidad at maging si Rep. Roilo Golez na matinding kritiko rin ni Fernando. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending