Sa masamang tingin:Estudyante pinatay sa loob ng eskuwelahan

MANILA, Philippines - Nakikipag-ugnayan ang Manila Police District-Homi­cide Section sa pamunuan ng San Sebastian College ka­ugnay sa pagkamatay ng isang second year college student nito na sinaksak sa loob ng campus ng kapwa nito estudyante sa Quiapo, May­nila kamakalawa ng umaga.

Natuluyang bawian ng buhay sa Mary Chiles Hospital ang biktimang si Cromwel Duka Jr., 20-anyos, Business Management student, at residente ng 320-A Inquimboy St., Pasay City bunga ng pananaksak.

Naaresto ang suspek na si Romeo Ephraim Lim, 20, binata, 2nd year Hotel and Res­taurant Management student ng 41 P. Gomez St., Mandaluyong City.

Sa imbestigasyon ni Det. Richard Lumbad ng MPD-Homicide Section, dakong-11:30 ng umaga nang maga­nap ang insidente sa kantina ng nasabing kolehiyo sa Claro M. Recto Ave., Quiapo, Maynila.

Nagkasamaan umano ng tingin ang dalawa hanggang sa nagkainitan sa kom­pron­tasyon subalit naawat din.

Hindi nagtagal ay nakita na lamang na nakahandusay na duguan na ang biktima at may apat na saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Agad isinumbong ng janitor umano ng canteen ang insidente sa mga secu­ rity guards ng paaralan kaya nang papalabas ng gate ang suspek ay pinigil na ito at inaresto.

Nang dalhin sa pulisya, iti­nanggi ng suspek na siya ang sumaksak sa biktima at inamin lamang na tinadya­kan niya ito. (Ludy Bermudo)

Show comments