MANILA, Philippines - “Bakit ako pa? Bakit ako pa?”
Ito ang naghihinagpis na tanong ng 29 anyos na dalagang si Catherine Latayan makaraang mapatay niya ang kanyang 26-anyos na nobyong si Harold Gomez habang dumadalo sila sa isang Christmas Party sa Taguig City Hall kahapon ng madaling-araw.
Ang magkasintahan ay kapwa empleyado rin ng pamahalaang-lokal ng Taguig.
Wala nang buhay nang maisugod sa Medical City Hospital si Gomez na nagtamo ng saksak ng patalim sa kanyang leeg.
Kasalukuyang nakakulong sa Taguig City Police detention cell si Catherine Latayan na residente rin ng Lower Bicutan, Taguig City.
Sinabi ng pulisya na naganap ang trahedya habang isinasagawa ang isang Christmas Party sa city hall na nasa kahabaan ng Gen. Luna St., Barangay Tuktukan sa naturang lunsod.
Magkasamang dumalo sa Christmas party ang magkasintahan subalit, sa gitna ng kasiyahan, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.
Hinihinala ng pulisya na selosan ang sanhi ng pagtatalo nina Latayan at Gomez.
Sa pagtatalo ng dalawa, naitulak ni Gomez si Latayan na ikinairita ng huli.
Nang makahagilap ng patalim si Latayan ay inundayan niya ng saksak si Gomez na ikinamatay nito.
Sumuko naman ang dalaga sa pulisya at labis nitong pinagsisihan ang kanyang ginawa sabay na sinambit ang katagang “mahal na mahal ko po ang nobyo ko kaya hindi ko akalain na magagawa ko iyon sa kanya, bakit ako pa, bakit ako pa?”