MANILA, Philippines - Isang criminology student ang nakabilang sa apat na inaresto ng mga awtoridad dahil sa panghoholdap sa isang pampasaherong dyip , sa Sta. Mesa, Manila kahapon ng madaling-araw.
Nakapiit na sa Manila Police District-Station 8 ang suspek na sina Leonel Cata, 26; Artkrite Lagasca, 20, binata, criminology student; Ronnel Roncen Valles, 23; at Jefferson Llena 25.
Iniimbestigahan din ang dalawang security guard na sina Rodolfo Makiling, 25, at Norodon Abdul, 23; na idinadawit ng mga suspect.
Naganap ang insidente dakong alas-12:20 ng madaling-araw sa loob ng isang pampasaherong jeepney habang binabagtas ang kahabaan ng Ramon Magsaysay Blvd., sa kanto ng V. Mapa St., Sta. Mesa.
Sakay din umano sa jeep ang mga suspect na nagkunwaring pasahero at pagsapit sa lugar ay nagdeklara ng holdap. Kinulimbat ng mga ito ang pera at mga gamit ng mga pasahero bago nagsibaba. Agad namang nakahingi ng tulong ang mga biktima kaya naaresto din agad ang mga suspek.
Sa himpilan ng pulisya, isinigaw ng mga suspek ang dalawang security guard dahil ang mga ninakaw nilang gamit at cellphone ay ibinato umano nila sa sasakyan na nakaparada sa tapat ng binabantayang establisyemento ng dalawa. (Ludy Bermudo)