Pagpili ng local officials sa kanilang COP, haharangin
MANILA, Philippines - Isusulong ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pag-amyenda sa Republic Act 6975 na lumikha sa Philippine National Police (PNP) bilang isang mabisang paraan upang tuluyan ng malansag ang mga “private army” ng mga pulitiko.
Ayon kay Napolcom Vice Chairman Atty. Eduardo Escueta, kinakailangan ang malaking pagbabago sa batas na lumikha sa PNP, kabilang na ang pag-aalis ng kapangyarihan sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan na makapamili ng nais nilang maupo bilang hepe ng pulisya sa kanilang nasasakupan.
Ipinaliwanag ni Escueta na nakapaloob sa batas na may kapangyarihan ang mga alkalde ng lungsod at munisipalidad na pumili ng isa sa limang pangalang isusumite ng PNP na nais
nilang maging hepe ng pulisya.
Hindi aniya maganda ang ganitong sistema dahil nagagawang maging sunud-sunuran ang mga hepe ng pulisya sa opisyal ng lokal na pamahalaan na silang nagluklok sa kanila sa puwesto na nagiging ugat ng pagkakaroon ng private army.
Ayon kay Escueta, batay sa umiiral na batas, awtomatikong nagiging kinatawan ng NAPOLCOM ang lahat ng mga alkalde sa lungsod at munisipalidad at gobernador ng isang lalawigan bilang tagapagbantay at susuri kung may mga kapalpakan ang bawat hepe ng pulisya.
Isa aniya ito sa nais nilang ma-amiyendahan dahil nagmimistulang hawak na sa leeg ng mga lokal na opisyal ang hepe at kapulisan kaya’t hindi maipatupad ng wasto ang batas lalo na’t laban sa mga tauhan ng local official na lantarang gumagawa ng paglabag. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending