Gringo inisnab ang hearing ng Magdalo
MANILA, Philippines - Hindi sinipot ni Senator Gregorio “Gringo” Honasan ang nakatakda niyang pagtestigo kahapon kaugnay sa kasong kudeta na kinakaharap nina Senator Antonio Trillanes IV at mga kasamahan nito sa Makati Regional Trial Court (RTC).
Dahil dito’y nagbanta si Atty. Ernesto Francisco, Jr, abogado ng Magdalo na hihilingin niya kay Makati RTC Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 na padalhan ng subpoena ang senador upang mapuwersa ang senador na humarap sa hukuman.
Napag-alaman na si Honasan sana ang pinakahuling testigo ng depensa bago ilabas ng husgado ang resolusyon sa mahigit anim na taon ng kasong kudeta na isinampa kina Trillanes at mga kasamahan nitong miyembro ng Magdalo kaugnay sa Oakwood Mutiny na naganap noong Hulyo, 2003.
Ayon sa nabanggit na abogado, na mahalaga ang testimonya ni Honasan dahil kailangang ipaliwanag niya ang nilalaman ng inakdang National Recovery Program na isang platapormang nais nilang sundan ng pamahalaan at siyang nagiging bibliya ng grupong Magdalo.
Patutunayan aniya rito na hindi isang uri ng pag-aaklas laban sa pamahalaan ang naturang kudeta kung saan isa lamang itong kilos protesta laban sa nagaganap umanong katiwalian sa gobyerno.
Nauna ng isinangkot ng ilang miyembro ng Magdalo si Honasan sa nangyaring pag-aaklas matapos ihayag na kasama ang Senador sa ilang mga pagpupulong bago kubkubin ang nasabing Hotel.
Bagama’t naisama muna si Honasan sa kaso, ipinasiya ng Department of Justice (DoJ) na idismis ang kaso laban sa Senador dahil sa kawalan umano ng sapat na ebidensiya.
Sa liham na ipinadala ni Honasan sa korte, ikinatuwiran niya na hindi siya makadalo sa pagdinig dahil may nakatakda siyang committee hearing sa Senado at pinangunahan din niya ang plenary hearing ng Commission on Appointments kahapon at ngayong araw. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending