Koreano tumalon mula 54th floor
MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang buong katawan ng isang 29-anyos na Koreano matapos itong tumalon mula sa ika-54 palapag ng isang high rise building at lumagapak sa ika-4 na palapag ng katabing gusali sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si Sewon Lee, binata, negosyante ng Room 35 ng Pearl of the Orient sa 1240 Roxas Blvd., Ermita, Maynila.
Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:45 ng hapon nang matagpuang patay ang biktima sa 4th floor ng Belmar Building sa 1323 M. H. Del Pilar St., Ermita, Maynila.
Sa imbestigasyon, una umano ay nagtungo ang biktima at ang kanyang personal assistant na napupusuan na kinilalang si Jenny Buson, sa kaibigan ng una na si Jeong Kwon sa Unit 2182 Golden Empire Tower sa 1322 P. Faura St., Ermita.
Nakaugalian na umano ng biktima at ilan niyang kababayan na magkuwentuhan at magkasiyahan sa Unit ni Kwon. Habang nasa Unit ni Kwon, umalis umano ang biktima at hindi nila alam na nagtungo o umakyat ito sa ika-54 palapag ng Golden Empire Tower.
Ilang minuto ang lumipas ay nakarinig ng kalabog ang security guard ng Belmar building, katabi ng Empire Tower, na si Gerry Medriano at nang alamin ay nakita sa ika-4 na palapag ang duguang biktima na lasug-lasog ang buong katawan.
Inamin umano ni Kwon sa imbestigador na may suicidal tendency ang biktima dahil una na itong nagtangkang magpakamatay sa Korea sa pamamagitan ng paglalaslas ng pulso. Nakita naman sa ika-54 na palapag ang tsinelas at cellphone ng biktima na posibleng iniwan muna bago tumalon.
Nabatid din ng imbestigador na ang personal assistant ng biktima ang nakukursunadahan nito subalit nabigo ito at nagdamdam matapos magpahayag ang babae na nakatakda na siyang ikasal sa nobyo.
Gayunman, inaalam pa rin ng mga imbestigador kung may foul play sa kaso.
Nakikipag-ugnayan na si MPD-Homicide chief, C/Insp. Erwin Margarejo sa Korean Embassy.
- Latest
- Trending