Habambuhay sa 19 na akusado sa Betty Sy kidnap slay
MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkabilanggo ang iginawad na parusa ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) laban sa labing siyam na akusado na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa isang Coca Cola Executive sa Quezon City ilang taon na ang nakakalipas.
Sa 100 pahinang desisyon ni QCRTC Branch 76 Judge Alexander Balut, napatunayan na nagsabwatan ang mga akusado sa pagdukot at pagpatay kay Betty Chua Sy, 31, noong Nobyembre 17, 2003 sa Novaliches, Quezon City.
Kaugnay nito, inatasan din ni Judge Balut ang mga nasintensiyahang indibidwal, na dalawa rito ay kababaihan na magbayad ng P50,000 bawat isa bilang moral damages at P70,000 sa civil indemnity sa pamilya ng biktimang si Betty Chua-Sy.
Labing-anim lamang sa 19 na akusado ang dumalo sa promulgasyon at ito ay sina Alvin Labra, Cesar Amado, Benedicto de Lima, Mariolito Demol, Edith Alazer, Silverio Superable, Renato Superable, Ramon Demol, Ernesto Callos, Fidel Superable, Rodolfo Artoza, Hector Cornista, Jose Artoza Jr., Vicencio Soliat, Ciderio Macanib, Ramil Victoriano, Gerardo Anover at Alejandro Aldas. Ang tatlo namang natitira pang suspek ay nauna nang nasentensiyahan sa iba pang krimen.
Napaiyak naman ang ina ng biktima na si Maria, nang basahin ang desisyon lalo pa’t si Betty ay ang kanyang panganay at nag-iisang anak na babae
Sa rekord ng korte, si Sy ay tinambangan at pinaputukan ng baril ng mga akusado habang sakay ng kanyang Toyota Rav 4 na sasakyan sa may dela Cruz St. QC at habang sugatan ito ay inilipat sa isang FX taxi na ginamit na get-away vehicle ng mga salarin.
Nang sumunod na araw tumawag ang mga suspek sa pamilya Sy at humingi ng P10 milyong ransom. Dinala muna ang biktima sa Trese Martires sa Cavite pero nang hindi maibigay ang P10-milyong piso ransom money ay natagpuan ang bangkay nitong nakasilid sa isang garbage plastic bag sa isang bakanteng lote sa Parañaque City.
- Latest
- Trending