10-anyos tiklo sa 'bukas-kotse' sa Crame
MANILA, Philippines - Dahilan walang pambili ng bagong damit sa Christmas party , naaresto ng mga Base Police ang isang 10 -anyos na batang lalaki matapos itong mahuli sa aktong binubuksan ang sasakyan sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City kahapon ng umaga.
Nahuli ang hindi pinangalanang totoy habang binubuksan ang sasakyan ni PO3 Elmer Velasco, isa sa mga tauhan ni Chief Supt. Nicanor Bartolome, Chief ng PNP-Police Community Relations Group (PNP-PCRG).
Batay sa imbestigasyon ng Base Police, pasado alas-7 ng umaga nang maaktuhan ang bata na binubuksan ang Nissan Sentra (WKP-121) ni Velasco sa loob ng PIO compound.
Ang bata ay naaktuhan ni Supt. Adriatico del Camat, Deputy ng Directorate for Police Community Relations (DPCR).
Nakuha sa bata na isang Grade 3 pupil sa Crame Elementary School ang bungkos ng susi na hinihinalang ginagamit nito sa pagbubukas ng ilang mga sasakyan na nakaparada sa loob ng punong tanggapan ng PNP.
Gayunman, tanging iyak na lamang ang naitugon ng bata nang tanungin ng mga pulis kung sino ang nag-utos sa kaniya na magbukas ng kotse para magnakaw.
Sinabi ng bata na nais lamang niyang magkapera dahilan wala umano siyang pambili ng bagong damit kaya naisipang magbukas ng kotse para nakawin ang mga gamit na matatagpuan dito.
Nabatid na ang bata ay dalawang araw na rin umanong hindi pumapasok sa eskuwelahan.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang kasabwat ng nasabing paslit matapos ang serye ng pagbubukas ng kotse sa mga nakaparadang sasakyan sa loob pa mismo ng Camp Crame. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending