MANILA, Philippines - Isang 6-anyos na pre-schooler ang nabiktima ng panghahalay ng isang janitor sa isang paaralan sa lungsod Quezon.
Ito ang nabatid matapos na dumulog sa tanggapan ng Police Station 10 ng Quezon City Police ang biktima na itinago sa pangalang Rosa, kasama ang kanyang nanay upang ireklamo ng panghahalay ang isang janitor na nakilala sa pangalang si Adrian Masangkay, 31, ng Sulu St., Sta Cruz. Manila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa pagitan ng alas- 2 ng hapon at alas- 3 ng hapon sa may compound ng M. H. del Pilar School, partikular sa comfort room nito na matatagpuan sa may K 3rd Brgy. Kamuning. Hindi naman matandaan ng bata ang araw o petsa nang mangyari ang pangmomolestiya sa kanya.
Bago ito, nakapila umano ang biktima sa hilera ng mga estudyanteng papasok sa comfort room para umihi.Sa pagpila ng mga estudyante ang tanging nag-aassist sa mga ito ay ang nasabing janitor.
Nang ang biktima na ang nakapasok sa CR para gumamit at tangkain nitong ikandado ang pinto ay pinigilan siya ng suspek saka puwersahang hinawakan ang maselang parte ng kanyang katawan.
Ayon pa sa ulat, sa takot ng biktima, mabilis na tumakbo ito papalabas ng CR at saka nagsumbong sa kanyang magulang.
Ayon sa pulisya, sa halip na maging matiwasay ang kalooban ng bata, natatakot ngayon ito na pumasok dahil sa pumasok sa isipan nito ang nasabing pangyayari.
Sa ngayon nakakalaya pa ang suspek, ayon sa Womens Children and Concerned Desk (WCCD) ng PS10 dahilan upang pormal na maghain ng reklamo sa piskalya o direct filling sa kasong act of lasciviousness ang pamilya ng biktima para sa agarang aksyon na gagawin laban sa una at mabigyan ng hustisya ang ginawa nito sa bata. (Ricky Tulipat)