4-anyos kinagat ng K-9 dog sa NAIA

MANILA, Philippines - Kinagat ng isang K-9 dog ng Airport Police Department (APD) ang isang batang lalaki ha­bang ito ay nasa departure curbside area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, kamakalawa ng umaga.

Sa report na natang­gap ni NP Sr./Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng National Capital Region (NCR) Philippine Center for Aviation Security (PCAS), isang Joshua Mejia Villarey, 4, ng Olon­gapo City ay kinagat ng isang Belgian Malinois, K-9 habang hawak ni APD Cpl. H. Tana sa kanan kamay at kanan bahagi ng katawan.

Ayon sa report, ka­sama ni Joshua ang kan­yang inang si Tessie Villarey na naghatid ng kanilang kamag-anak sa paliparan.

Si Joshua kasama ang kanyang ina ay naka­tayo sa harapan ng entrance door ng West Stair­way habang puma­pasok ang inihatid nilang kamag-anak.

Gayunman, mabilis na inasikaso ng mga doctor sa MIAA Medical Clinic ang biktima para malapatan ng kaukulang lunas. Samantala ang asong nakakagat dito ay mabilis na isinakay sa isang naghihintay na K-9 vehicle sa nasabing lugar.

Matapos malapatan ng kaukalang lunas si Joshua ay mabilis itong dinala sa San Lazaro Hospital para turukan ng anti-rabies vaccination at masuri itong mabuti.

Sinabi ng ilang naka­kita sa insidente hindi dapat i-gala sa paliparan ang isa umanong ‘attack dog’ dahil ang ganitong uri ng aso ay may ibang   klase ng pag-uugali.

Show comments