4-anyos kinagat ng K-9 dog sa NAIA
MANILA, Philippines - Kinagat ng isang K-9 dog ng Airport Police Department (APD) ang isang batang lalaki habang ito ay nasa departure curbside area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, kamakalawa ng umaga.
Sa report na natanggap ni NP Sr./Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng National Capital Region (NCR) Philippine Center for Aviation Security (PCAS), isang Joshua Mejia Villarey, 4, ng Olongapo City ay kinagat ng isang Belgian Malinois, K-9 habang hawak ni APD Cpl. H. Tana sa kanan kamay at kanan bahagi ng katawan.
Ayon sa report, kasama ni Joshua ang kanyang inang si Tessie Villarey na naghatid ng kanilang kamag-anak sa paliparan.
Si Joshua kasama ang kanyang ina ay nakatayo sa harapan ng entrance door ng West Stairway habang pumapasok ang inihatid nilang kamag-anak.
Gayunman, mabilis na inasikaso ng mga doctor sa MIAA Medical Clinic ang biktima para malapatan ng kaukulang lunas. Samantala ang asong nakakagat dito ay mabilis na isinakay sa isang naghihintay na K-9 vehicle sa nasabing lugar.
Matapos malapatan ng kaukalang lunas si Joshua ay mabilis itong dinala sa San Lazaro Hospital para turukan ng anti-rabies vaccination at masuri itong mabuti.
Sinabi ng ilang nakakita sa insidente hindi dapat i-gala sa paliparan ang isa umanong ‘attack dog’ dahil ang ganitong uri ng aso ay may ibang klase ng pag-uugali.
- Latest
- Trending