MANILA, Philippines - Maghahain bukas ng petition for fare increase ng halagang 50 sentimos ang Federation of Jeepney Drivers and Operators Association of the Philippines (FEJODAP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay FEJODAP president Zeny Maranan, nakasaad sa kanilang petition ang pagbabalik ng 50 sentimong provisionary fare mula sa dating pasahe na P7.50 sa mga pampasaherong dyip sa National Capital Region (NCR), Region 3 at 4.
Bagamat mayroong kasalukuyang nakabimbin na petition sa LTFRB para sa panibagong dagdag pasahe sa dyip ay nais ng FEJODAP na habang dinidinig ang nabanggit na petisyon ay dapat ibalik sa P7.50 ang pasahe sa dyip. Habang karagdagang 50 sentimos din ang kanilang hinihingi para sa mga lugar na hindi naman sakop ng Region 3, 4 at NCR.
Sinabi ni Maranan, simula ng alisin ang pagpapatupad sa Executive No. 839 ay makailang ulit na sumirit pataas ang presyo ng diesel mula sa halagang P26 paakyat sa P33.50.
Aniya tanging mga oil companies na lamang ang nabubuhay sa ginagawang pagpapakapagod ng mga tsuper, maghapon umanong kakayod at pagkaraan ay ibibili ng napakataas na presyo ng diesel. (Doris Franche)